MANILA, Philippines — Tatlong lalaki na umano ay miyembro ng ‘gun for hire’ group ang napatay nang makipagbarilan sa mga pulis sa Payatas, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan sa tatlong suspek na ang isa ay nasa pagitan ng edad 20-25; may taas na 5’3”, maganda ang katawan, nakasuot ng maong na pantalon at gray t-shirt; Ang pangalawa ay nasa edad na 25-30, 5’4” ang taas, medium built, kayumanggi, nakasuot ng blue t-shirt at maong na pantalon habang ang pangatlo ay nasa 30-35, 5’5” ang taas, matipuno ang pangangatawan na nakasuot ng gray t-shirt at gray na pantalon.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-2:10 ng madaling araw sa Payatas Road, malapit sa Violago Homes, Barangay Payatas B ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may papatayin ang tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo kaya’t naglatag ng checkpoint sa posibleng lugar na dadaanan.
Nakita ng mga pulis ang tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo na daraan sa checkpoint, subalit bigla umanong bumwelta ang mga ito kaya’t hinabol ng mga pulis.
Subalit pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis na humahabol hanggang sa nagkaroon ng “gun running battle” at napatay ang mga una nang makorner at manlaban.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang motorsiklo, dalawang kalibre 45 baril, isang kalibre 38 at mga bala.
Nakuha rin sa tatlo ang mga ID na may pangalang Aldwin Mabait, Garry Navarro at Jessie Roden, pero hindi pa masabi ng mga otoridad kung sila ang mga ito.