4 miyembro ng carnap gang arestado
MANILA, Philippines — Arestado ang apat na katao kabilang ang isang babae ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 7 matapos matukoy na sangkot sa pagkarnap at pagbebenta ng motorsiklo, sa Tondo, Maynila, sa isinagawang follow-up operation, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula sa tanggapan ni MPD-Station 7 chief, Supt. Jerry Corpuz, ipaghaharap ng reklamong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Act), RA 10591 (illegal possession of firearms), Revised Ordinance 864-C at Omnibus Election Code ang mga nadakip na na sina Alexander Banzuelo, 20, Vanessa de Mesa, 30, Jayson Laquindanum, 32, at Ronald Encarnado, 38, pawang mga taga-Tondo Maynila.
Bukod sa mga suspek sa pagtangay ng SYM RVU 1-2, na may plakang BD 23862 na pag-aari ng isang Aldec John Padua, ay nakuhanan sila ng kalibre 45 baril na kargado ng 6 na bala, 2 patalim at 3 bala ng 9mm kalibre ng baril.
Nabatid sa ulat na ang pinakahuling insidente ng karnap ay ang kaso ng pagtangay sa motorsiklo ni Padua dakong alas-8:30 ng gabi noong Abril 14, 2018 sa Antipolo St., Tondo.
Patuloy pang nangangalap ng mga ebidensiya ang pulisya hinggil sa iba pang kaso ng carnapping na kinasasangkutan ng mga suspek.
- Latest