MANILA, Philippines — Inamin ng may-ari ng Dimple Star Transport na nahulog sa isang bangin sa Occidental Mindoro noong Marso 20 na ikinasawi ng 19 katao na galing sa junkshop ang unit na bus.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng mga opisyales ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa naturang aksidente.
Ayon kay Hilbert Napat, owner ng Dimple Star mula sa chop chop at nabili nila sa junkshop ang naaksidente nilang bus kamakailan.
Anya, kinumpuni lamang nila ang bulok na bus at kinondisyon ang makina nito at saka pininturahan kaya nagmukhang bago.
Sinabi ni Napat na noong taong 2009 unang pumasada ang bus at nabigyan ng road worthy certificate ng Land Transportation Office (LTO) kaya’t nabigyan ng plakang TYU-708.
Sinisi din ni Napat ang tilamsik ng tubig dagat sa kanilang bus habang sakay ng Roro papuntang Visayas kaya’t mabilis na nabubulok ang bahagi ng sasakyan.
Kaya’t sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na dahil sa pahayag ni Napat ay kailangan nang pabilisin ang pagpapatupad ng transport modernization sa bansa upang maiwasan ang isa pang trahedya kagaya nang nangyari sa Dimple Star bus unit at tuluyang mawalis ang mga bulok na sasakyan.
Patuloy pa ring suspendido ang operasyon ng Dimple Star hangga’t hindi nila naisasaayos ang ginawang paglabag sa LTFRB rules.