Pulis-Crame utas sa salpok ng kotse

MANILA, Philippines — Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa ospital ang isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame makaraang masagi ang minamanehong motorsiklo ng isang rumaragasang kotse na Honda City na minamaneho ng isang babae sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si PO3 Nasrudin L. Banto, nasa hustong gulang na nakatalaga sa PSPG Camp Crame. Namatay si Banto habang ginagamot sa PNP General Hospital, dahil sa tinamong ‘fracture’ sa kanyang ulo.

Agad namang sumuko ang nakabundol sa pulis na nakilalang si Jacquiline Go Yu, dalaga, 35-anyos, online retailer at naninirahan sa No. 80 Dapitan St., Brgy. Lourdes, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector, ang aksidente ay naganap dakong alas-6:30 ng umaga sa harapan ng Variant Security Training Center na matatagpuan sa Col. Boni Serrano Ave. corner 3rd Avenue, Bgry. Bagong Lipunan, ng nasabing lungsod.

Sakay ng Honda motorcycle (1724-TF) ang pulis at habang binabaybay ang kahabaan ng Col. Boni Serrano galing ng southbound Edsa at patungong 3rd Ave, nang biglang mabundol ng Honda City (na may conduction sticker no. EO U006) na minamaneho ni Yu.

Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang pulis at bumagsak sa windshield ng sasakyan ni Yu bago mahulog sa konkretong kalsada.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in damage to pro­perty with homicide si Yu.

 

Show comments