MANILA, Philippines — Patay ang isang 31-anyos na tricycle driver matapos siyang barilin ng nakaalitang jeepney driver makaraan umanong maging maangas at maghamon pa ng suntukan habang pinag-aayos sila kanyang operator hinggil sa naganap na banggaan ng dalawa sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang kinilalang si Robert Padilla, 31 anyos, may live-in partner at residente ng No. 015 Narra St., Tondo, ng naturang lungsod.
Tinutugis naman ng mga otoridad ang tumakas na suspek na kinilalang si Robert Gulapa Mendoza, 31, may live-in partner, driver at residente ng no. 2876 B Orion St., Tondo, Maynila.
Nabatid na ang suspek ay isang seaman na kapag nasa bakasyon ay masipag na namamasada ng pampasaherong dyip at bumibiyahe rin ng sasakyan ng Uber.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Tom Jay Fallar kay Manila Police District-Station 2, Chief P/Supt. Santiago Pascual III, naganap ang insidente dakong alas-3:20 ng hapon sa A. Rivera at La Torre Sts.
Sa salaysay ng operator ng biktima na si Gilbert Caagbay Monte, 33, dumating ang biktima at suspek at ipinaalam sa kanya ang pagkabunggo ng tricycle na minamaneho ng biktima sa dyip ng suspek dahilan upang masira.
Matapos ang paliwanagan ay nagkasundo naman ang magkabilang panig na ipapaayos na lamang ang nasira sa tricycle.
Hindi niya akalain na naghamon pa umano ang biktima sa suspek na nauwi sa suntukan. Nang maawat ang suntukan ay nagtungo na ang suspek sa kaniyang dyip at dito na nito kinuha ang barili at agad na pinutukan ang biktima.
Mabilis na tumakas ang suspek at iniwan na lamang na nakaparada ang dyip na may plakang TWJ 591 sa pinangyarihan ng insidente subalit wala roon ang baril na ginamit sa pamamaslang.