MANILA, Philippines — Nakatakdang gamitin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang subpoena power sa paghahanap ng karagdagang matitibay na mga ebidensya at testimonya upang mapanagot sa batas ang mga drug lord na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.
Ito ang susunod na hakbang na gagawin ni PNP–CIDG Chief P/ Director Roel Obusan kapag nadismis ng binuong panibagong panel sa Department of Justice (DOJ) ang kanilang motion for reconsideration.
Una nang dinismis ng prosecution panel ng DOJ ang kaso laban sa nabanggit na mga akusado alinsunod sa “corpus delicti” o kakulangan ng mga ebidensya .
Binigyang diin ni Obusan na kailangan nilang gamitin ang subpoena power upang manaig ang hustisya lalo na sa mga high profile cases laban sa tatlong drug lords na nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte at kumpiyansa ito na muling gugulong ang hustisya at hindi niya nakikitang madidismis ang kaso matapos naman silang maghain ng motion for reconsideration.
Kaugnay nito hindi naman mangingimi ang CIDG na kasuhan ang mga state prosecutors na nagbasura sa kaso nina Kerwin, Co at Lim kapag may ebidensya na naimpluwensyahan ang mga ito ng drug money.