MANILA, Philippines — Nasa 16 katao na ang naiulat nasawi sa mga landslide at flashflood dahil sa mga pag-ulan dulot ng tail end of the cold front sa Eastern Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Inihayag kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Romina Marasigan na kabilang sa 16 mga nasawi ay sanhi ng landslide, apat dito ay sa Tacloban City; apat na miyembro ng pamilya sa Compostela Valley na kinilalang sina Ramon Magallanes, 29; misis nitong si Rowena Magallanes, 30; anak na sina Hazel Magallanes, 3; at Joey, 1; isa sa Northern Samar, dalawa sa Pantar, Lanao del Norte; isa sa Caramoan, Camarines Sur, tatlo sa Camarines Norte at isa naman ang nakuryente sa Northern Samar.
Nabatid na ang tail end of the cold front ay nagsimulang maranasan sa nasabing mga lugar simula pa nitong nakalipas na linggo kung saan malalakas na pag-ulan ang dala.
Ang masamang lagay ng panahon ay nagdulot ng 12 insidente ng landslide sa mga apektadong lugar.