P1-M halaga ng shabu, nasabat sa Quezon City
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga otoridad ang isang dati umanong kawani ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at driver nito sa isang buy bust operation at nasamsam ang nasa P1 milyong halaga ng shabu kamakalawa sa Mindanao Avenue, Quezon City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Gladwin Balaguer, alyas Weng, 39, ng Brgy. Sta. Lucia, Novaliches, dating nakatalaga sa transport division ng DOTC at driver nito na si Joel Taruc, 38, ng Brgy. Nagkaisang Nayon.
Batay sa ulat, bago naaresto ang dalawa dakong alas-4:30 ng hapon sa kahabaan ng Congressional Road kanto ng Mindanao Avenue ay nakipag-transaksyon ang mga pulis sa pagbili ng shabu sa mga suspek at isang pulis ang nagpanggap na buyer.
Nang magpapalitan na ng items ay nakatunog ang mga suspek at tinangkang tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang kulay itim na Toyota Fortuner (WIN-18) pero agad din silang nasukol sa Mindanao Avenue.
Narekober sa sasakyan ni Balaguer ang apat na pakete ng shabu na tinatayang nasa 200 gramo at may street value na tinatayang nasa P1 milyon, digital weighing scale, anim na bala ng cal.45 na baril, mobile phone, isang piraso ng LTO license plate TVQ -227 at ang buy-bust money na P1,000.
- Latest