MANILA, Philippines - Walong Pilipino ang inaresto kamakailan sa Hong Kong dahil sa pagkakadawit sa iligal na “5-6” na sistema ng pagpapautang ng pera, kinumpirma ng isang opisyal ng Embahada ng Pilipinas, Miyerkules.
Sinabi ni Consulate General sa Hong Kong Bernardita Catalla na nagsilbi ang 8 Pinoy bilang recruiter ng isang mag-asawang Chinese na nagpapautang kapalit ng mga pasaporte at employment contract bilang collateral.
“Sila po ang parang galamay, tao po ng mag-asawang Intsik na kumbaga ay pinaka-mastermind, sila ang taga-pondo. Iyung mga Pilipino po, taga-recruit ng mga taga-utang,” ani Catalla.
Nagpapautang anya ang mag-asawa sa interes na 10-porsyento kada buwan kaya marami sa mga pinahiram nila ng pera ang nalubog sa utang at hindi na natubos ang pasaporte at employment contract.
Dagdag ni Catalla, kadalasang sinisisante ng mga amo ang mga manggagawang nagkakaroon ng problema sa travel documents at kontrata.
“Yung Chinese na employers, they do not want to be involved sa mga ganyang problema. Pwede pong i-terminate ang kanilang kontrata, ino-notify lang sila,” sabi ni Catalla.
Agad naman anyang nakalaya ang 8 naarestong Pilipino matapos magpiyansa.
Mayroong 192,000 overseas Filipino worker na naninirahan sa Hong Kong hanggang nitong Enero, ayon kay Catalla.