Senado, balik sesyon sa Lunes
MANILA, Philippines – Matapos ang ilang araw na bakasyon, balik sesyon na ang Senado sa Lunes kung saan inaasahang uunahin ng mga senador ang pagtalakay sa nakabinbing 2017 national budget na kinakailangan ng maipasa at maging ganap na batas bago matapos ang taon.
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, prayoridad nila na maipasa ang 2017 General Appropriations Act (GAA) o ang P3.35 trilyong national budget.
Kabilang din sa nakahanay na panukala ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpapabilis sa pagresolba ng problema sa trapiko.
Ayon kay Pimentel, ipapasa nila ang pinal na bersiyon ng panukalang 2017 national budget sa ikatlo at huling pagbasa sa huling linggo ng Nobyembre.
“We will exert our best efforts to timely conduct our hearings and ensure the early passage of this most important piece of legislation,” ani Pimentel.
Ang 2017 GAA ay 11.6 porsiyentong mas mataas kumpara sa P3.002 trillion national budget ngayong taon.
- Latest