MANILA, Philippines – Kinarit ni kamatayan ang apat na batang babae habang 21 pa kataong miyembro ng relihiyong Iglesia Ni Cristo (INC) ang nasugatan matapos na aksidenteng mahulog sa malalim na kanal ang sinasakyan ng mga itong truck sa Mati City, Davao Oriental nitong Biyernes.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Steffani Ann Baltonado, 9 anyos, Rhea Jane Domincillo at Danna Jane Saren’ pawang 10 taong gulang habang ang isa pa ay ang 12 anyos na si Rachelle Manulat.
Isinugod naman sa pagamutan ang 21 pang nasugatan upang malapatan ng lunas. Nabatid na ang mga biktima ay patungo sa kalunsuran ng Mati para sa isang sports event ng kanilang relihiyon ng mangyari ang malagim na insidente.
Sa ulat, sinabi ni Chief Inspector Andrea de la Cerna, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 11, naitala ang insidente sa highway ng Brgy. Taguibo, Mati City bandang alas -7 ng umaga.
Ang Isuzu forward truck (LEA -551) na minamaneho ni Nove Saren na sinasakyan ng mga biktima ay galing Pantukan, Compostela Valley.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck bunsod upang mahulog ang behikulo sa malalim na kanal na naging mitsa ng kamatayan ng mga bata.
Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver ng truck habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kasong ito.