MANILA, Philippines - Makakalaya na ang 15 Pinoy na na-convict at nakakulong sa Qatar sa iba’t ibang kaso matapos gawaran ng royal clemency dahil sa Ramadan.
Base sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Doha sa DFA, ang royal clemency ay iginawad ni Qatari Emir Sheikl Tanim bin Hamad Al Thani sa 15 Pinoy, bilang pag-obserba sa “Holy Month of Ramadan”.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Asec. Charles Jose, ang mga Pinoy na nakakuha ng pardon ay may lighter offense o petty crime tulad ng theft.
Tumanggi si Jose na pangalanan ang 15 Pinoy habang ipinaalam pa sa kanilang pamilya sa Pilipinas ang kanilang inaasahang paglaya.
Sinabi ni Jose na pinakamahaba nang sentensya ng ilan sa mga makakalayang Pinoy ay nahatulan ng walong taong pagkabilanggo at ang ilan ay halos naisilbi na ang kanilang sentensya.
Nabatid na karaniwang nag-iisyu ang Emir ng pardon dalawang beses kada taon, sa kasagsagan ng Ramadan at sa Qatar National Day sa tuwing Disyembre.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa Search and Follow-up Department ng Qatar Ministry of Interior para sa repatriation ng 15 Pinoy.