Ilan sa Metro Manila na nanalong kandidato, iprinoklama
MANILA, Philippines – Naiproklama na ng Commission on Elections ang mga nanalong local candidates sa Metro Manila kahapon.
Sa San Juan City ay muling nahalal sa kanyang ikatlo at huling termino si Mayor Guia Gomez at ang kanyang bagong Vice Mayor na si Janella Ejercito Estrada.
Sa Pasig ay proklamado na si Robert ‘Bobby’ Eusebio at Incumbent Vice Mayor Iyo Bernardo.
Sa Mandaluyong ay naiproklama na ang bagong Mayor na si Menchie Abalos, maybahay ni incumbent Mayor Benjamin Abalos at kanyang Vice Mayor na si Anthony Suva.
Sa Marikina City ay naiproklama na rin si Congressman Marcy Teodoro bilang bagong mayor nang talunin nito si incumbent Mayor Del de Guzman habang ang nanalong Vice Mayor ay si Jose Cadiz at nanalo sa pagka-Congressman si Bayani Fernando.
Naiproklama na rin si incumbent Caloocan City Mayor Oscar Malapitan nang talunin ng higit 100,000 boto laban sa dati ring alkalde ng lungsod na si Recom Echiverri.
Iprinoklama rin bilang bagong Congressman ng unang distrito ang anak ni Malapitan na si Dale “Along” Malapitan habang naiproklama naman si re-electionist Congressman Edgar Erice sa ikalawang distrito.
Muling nagwagi si incumbent Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian matapos na pataubin si 2nd District Representative Magi Gunigundo habang iprinoklama rin ang kanyang Vice-Mayor na si Lorie Natividad-Borja.
Idineklara naman bilang bagong kinatawan sa Kongreso sina Wes Gatchalian sa unang distrito at sa ikalawang distrito ay iprinoklama bilang Congressman si Eric Martinez.
Sa Muntinlupa naiprikloma na bilang Muntinlupa City Mayor si Jaime Fresnedi makaraang makakuha ng 124,538 boto laban kay Aldrin San Pedro na nakakuha lang sa 67,849 boto ng una.
Iprinoklama rin naman ang runningmate ni Fresnedi bilang Vice-Mayor na si Celso Diokno.
Naideklara na nanalo rin bilang congressman sa nag-iisang distrito ng Muntinlupa si dating Bureau of Customs chief, Rodolfo Biazon.
- Latest