Comelec debate sa Cebu bantay-sarado

MANILA, Philippines – Upang pangalagaan ang seguridad kaugnay ng gaganaping ikalawang Presidential debate sa isang pamosong unibersidad sa Cebu City ngayong araw ay nasa 657 pulis at 100 sundalo ang idedeploy  ng Police Regional Police (PRO) 7 at AFP-Central Command.

Sinabi ni PRO 7 Spokesman Supt. Renato Dugan, 657 pulis ang kanilang ipakakalat sa University of the Phi­lippines (UP)–Cebu na siyang venue ng presidential debate.

Ang ikalawang presidential debate ay idaraos sa performing arts hall ng University of the Phillippine, Cebu Campus, at tatayong host ang TV5 at The Philippine Star.

Inaasahang mas matagal ito ng isang oras kumpara sa naganap na unang presidential debate  sa Cagayan De Oro City noong Pebrero 21 dahil na rin sa ikinasang plano sa  magiging tanu­ngan at sagutan  sa pagitan ng mga presidentiables at 5 panelist, debate sa pagitan ng mga magkakatunggaling kandidato at reaksiyon mula sa ibang kandidato.

Magsisimula ng alas-5:00 ng hapon at magtatapos ng alas-8:00 ng gabi.

Sa ‘two-rounds debate’ bibigyan ng 3 minuto ang mga kandidato na sagutin ang katanungan na magmumula sa panel at may pagkakataong silang ipaliwanag at 30 segundo naman para sa mga reaksiyon ng ibang kandidato.

Lima ang  magiging paksa na dapat sagutin ng mga kandidato kung paano mareresolba na kinabibilangan ng climate change, disaster preparedness, education, women’s rights, at health issues.

Kabilang sa inaasahang dadalo sina presidentiables Manuel “Mar” Roxas, Grace Poe, Jejomar Binay, Rodrigo Duterte, habang di pa tiyak ang pagdalo ni Se­nator Miriam Defensor-Santiago na nagpasabi na, hinggil sa kaniyang sakit.

 

Show comments