MANILA, Philippines – Napatay ang tatlong sundalo kabilang ang isang junior officer habang tatlo pa ang nasugatan nang magkaengkwentro ang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa sa liblib na lugar sa Pantukan, Compostela Valley.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina 1st Lt. Ralph Pantonial, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2010, Commander ng Charlie Company ng Army’s 46th Infantry Battalion (IB); Pfc Eulezys Bantulo at Private First Class Moreno. Habang ang mga nasugatan ay sina Pfc Melvin Velonta, Corporals Jestoni Sabido at Herbert Aquino.
Batay sa ulat ni Captain Rhyan Batchar, Public Affairs Office ng Army’s 10th Infantry Division, dakong ala-1:00 ng umaga nang makasagupa ng Army’s 46th Infantry Battalion ang nasa 60 miyembro ng NPA’s Pulang Bagani Command 3 sa ilalim ng Southern Mindanao Regional Committee sa masukal na bahagi ng Sitio Sapang Tin-aw, Brgy. Tibagon ng nasabing bayan.
Tumagal ng may 30 minuto ang bakbakan pero habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga sundalo ay bigla na lamang ang mga itong hinagisan ng eksplosibo ng mga rebelde na ikinasawi ni Pantonial at Bantulo habang sugatan ang dalawa pa na sina Velonta at Sabido.
Bandang alas-6:00 ng gabi ay muling nagkaroon ng bakbakan sa Sitio Biasong, Brgy. Napnapan. Pantukan na tumagal ng mahigit 10 minuto at nasawi si Moreno.