MANILA, Philippines – Hindi sinipot ng ilang biyuda at pamilya ng fallen Special Action Force (SAF) 44 ang parangal ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III para sa mga bayaning commandos sa inilunsad na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao, isang taon na ang nakalilipas.
Walang umakyat na pamilya sa entablado para tumanggap ng posthumous Distinguished Conduct Star medal para kina PO2 Nicky Nacino at PO1 Rennie Tyrus at tanging ang mga mistah na sina Sr. Inspector Max Jim Tria at PO2 Franklin Danao ang kumuha ng parangal para sa dalawang nasawing SAF troopers.
Si Sr. Inspector John Garry Erana ay kinuha naman ng kaniyang tiyuhin ang parangal.
Hindi rin nagpakita sa nasabing pagpaparangal ang misis ni Sr. Inspector Ryan Pabalinas na si Ericka sa halip ay ang ama at kapatid nitong lalaki ang tumanggap ng parangal mula kay Aquino.
Magugunita na si Ericka Pabalinas ang nagsilbing ‘mouthpiece’ ng mga biyuda ng SAF 44 at kanilang mga pamilya ng tahasang manawagan ng hustisya kay P-Noy sa burol ng mga nasawing SAF sa Camp Bagong Diwa, Taguig City matapos na iuwi ang bangkay ng mga ito sa Metro Manila ilang araw matapos ang malagim na Oplan Exodus noong Enero 25, 2015 kung saan ay napatay ang international terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may patong sa ulong $ 5 M at ang Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman.
Dalawa naman sa mga ito ay binigyan ng posthumous Medal of Valor award na sina Inspector Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron.