MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuang bangkay ng dalawang lalaki sa loob ng Memorial Cemetery sa Lumbia District, Pagadian City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng alas-5:30 ng umaga.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima matapos na walang makuhang identification card mula sa mga ito na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang ulo.
Nabatid na ang mga bangkay ay nadiskubre ng sepulturero ng sementeryo na agad naman nitong inireport sa pulisya.
Walang nakitang basyo ng bala ang mga imbestigador sa lugar sa crime scene kaya nabuo ang teorya na sa ibang lugar pinatay ang mga ito at sa loob ng sementeryo itinapon upang ilihis ang imbestigasyon.