Pork barrel sa 2016 national budget, itinanggi
MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang ang akusasyon ng Social Watch Philippines na may nakasingit na ‘pork barrel’ sa 2016 national budget, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Sinabi ni Sec. Coloma, walang katotohanan ang akusasyon ng Social Watch na may nakasingit na pork barrel fund at lump sum allocations sa P3.002 trilyong national budget.
Wika pa ni Coloma, mahigpit na tumalima ang gobyerno sa itinakda ng batas at batay sa naging desisyon ng Korte Suprema noong 2013 na ipinagbabawal na ang pork barrel funds sa mga general appropriations.
Aniya, nang aprobahan ang GAA sa Kongreso ay dumaan ito sa pagbusisi ng mga mambabatas sa Kamara at Senado.
Binigyang-diin ng Malacañang na malaki ang ginawang reporma ng executive department upang huwag magkaroon ng anomalya sa pagbibigay ng budget sa iba’t ibang programa.
“Mahigpit na tumatalima ang pamahalaan sa itinatakda ng batas na pagbabalangkas at pagsasabatas ng pambansang budget alinsunod sa Saligang Batas at sa desisyon ng Korte Suprema noong 2013 hinggil sa pagbabawal ng anumang pork barrel sa General Appropriations Act,” dagdag pa ni Coloma.
- Latest