MANILA, Philippines – Isang doktor sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ang kinastigo ni Manila Mayor Joseph Estrada dahil sa halip asikasuhin ang isang ina na dala ang pasyenteng 6-anyos na anak na may sakit na dengue ay itinuro pa ang mga ito sa ibang ospital. Hindi muna ibinunyag ni Estrada ang pangalan ng doktor habang isinasagawa ang imbestigasyon batay sa reklamo ni Gng. Gina Lumtong, 31 kay Estrada sa ginanap na “Ugnayan sa Mamamayan” na ginanap sa Onyx Street, Brgy. 775. Sa sumbong ni Gng. Lumtong kay Estrada na noong Nobyembre ay nagtungo sila ng kanyang anak na si Nicole sa nasabing ospital dahil sa tiyak na may dengue ang anak na nakakaranas ng mataas na lagnat, nagsusuka at nagdudugo ang ilong.
Ngunit laking gulat niya nang sinabihan siya ng doktor na pumunta muna sila sa ibang ospital gaya ng Philippine General Hospital (PGH) para doon kumuha ng mga laboratory tests dahil sira ang mga kagamitan ng OMMC.
Ang mga nasabing lab tests ay nagkakahalaga aniya ng mahigit P2,000, pero P120 lang ang pera niya noon kaya nagdesisyon siyang ilipat na lang ang kanyang anak sa ibang ospital na makakapagbigay ng libreng serbisyo.
Muling nagbabala ni Estrada na mahaharap sa mabigat na parusa ang sinumang opisyal o kawani ng alinman sa Manila City Hospitals na hindi susunod sa kaniyang direktibang magbigay ang mga ito ng mabilis, kumpleto at libreng serbisyo sa mga pasyente.