MANILA, Philippines - Matapos mapatunayang may probable cause sa kasong paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) hinggil sa maanomalyang pagbili ng 32 units ng cellular phones na may halagang P317,380.00 noong 2007 ay pinakakasuhan ng Ombudsman ang dating tatlong matataas na opisyal ng Department of Education (Deped) sa Tagum City, Davao del Norte.
Sa anim na pahinang resolusyon na ipinalabas ni Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman, guilty umano sina dating Schools Division Superintendent Aurora Cubero, Division Superintendent Salvacion Yumang at Administrative Officer Emma Betonio sa naturang anomalya.
Batay sa record, lumabas na noong November 2007, ang mga respondents ay nag-facilitate sa pagbili ng 32 cellphones sa pamamagitan ng pag-sa-shopping at pagkakaroon ng cash advance na nagsasabing ang naturang mga items ay matinding pangangailangan ng mga opisyal ng ahensiya.