MANILA, Philippines - Arestado ang isang menor-de-edad na babae na sinasabing miyembro ng grupong dumudukot ng mga dalagita nang masundan ng kaniyang lola ang isa sa dalawang biktima sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nakatakdang dalhin sa custody ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na itinago sa pangalang Rina, 17, ng Parola Compound, Tondo.
Nabatid na naganap ang insidente pasado alas-8 ng umaga sa panulukan ng Asuncion Street sa Barangay 13, Zone 2.
Lumilitaw na modus operandi ng grupo ng suspek ay mag-abang ng mga dalagita na inuutusan ng kanilang mga kaanak na bumili sa tindahan.
Aagawan ito ng pera at kapag humabol ay kakaladkarin at isasakay sa van.
Kung hindi nasundan ng lola ang kanyang 10-anyos na apo ay malamang na natangay ito ng suspek.
Patuloy namang tinutunton ng pulisya ang van na ginagamit ng grupo ng suspek.