MANILA, Philippines – Isang petisyon sa internet na nananawagan sa mga senador at congressman na ibasura ang isang probisyon sa “Firearms and Ammunitions Law” upang hindi na masampahan ng kasong kriminal ang mga pasaherong nahuhulihan ng bala sa kanilang mga bagahe sa mga paliparan.
Batay sa petisyon na ipinaskil ni Ismael San Andres, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Canada, sa Change.org, dapat matanggal na ang Article Section 28 ng Republic Act 10591 na nakasaad na, “The unlawful acquisition, possession of firearms and ammunition shall be penalized.”
Anya, ang naturang probisyon umano ang dahilan ng hindi makatarungang paghahalughog sa mga bagahe ng mga OFWs at maging mga dayuhang turista at ugat rin ng paghihirap ng mga nabibiktima ng sinasabing sindikato ng “laglag bala” sa mga paliparan.
Isa umanong malaking “kalokohan” ang naturang probisyon na may katumbas na mga parusa at multa at maaaring gamitin ng mga otoridad para magtanim ng bala bilang ebidensya sa sinuman.
Bahagi rin ng online petition na kasalukuyang meron pa lamang higit 700 pirma ang panawagan kay Pangulong Benigno Aquino III na atasan ang Office of Transportation Security at PNP na itigil ang pag-aresto, pagpapakulong at profiling ng mga pasaherong makukumpiskahan ng iilang bala.
Maaari umanong kumpiskahin ang mga bala at hayaan na lamang makabiyahe ang mga pasahero.
Hiniling din na magkaroon ng regular na balasahan sa mga opisyal at tauhan ng airport security upang maiwasan ang pagiging pamilyar sa mga paliparan at mabawasan ang insidente ng pagtatanim ng bala.