MANILA, Philippines – Makaraang isagawa ng Sandiganbayan ang pre-trial hearing sa kasong plunder nina Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile at Janet Lim Napoles nang maisapinal na ng magkabilang panig ang kanilang mga ebedensiya kaya itinakda na ang gagawing paglilitis simula Enero 13, 2016.
Sa panig ng prosekusyon ay nagsabing takdang maiprisinta sa trial proper ang 65 saksi na kinabibilangan nina pork scam whistleblower Benhur Luy gayundin ni Sen. Alan Peter Cayetano, Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares, at mga opisyales ng Department of Justice (DOJ).
Ayon sa depensa, magte-testify si Reyes kaugnay ng kaso gayundin ang mga tauhan at representatives ng Senado.
Tatlong beses kada linggo ang paglilitis sa loob ng pitong buwan ng 2016.
Inabisuhan din ng graft court ang magkabilang panig na tapusin muna ang testimonya ng isang saksi sa bawat pagdinig para maiwasan ang mahabang paglilitis.
Sina Reyes at Napoles ay kapwa akusado ni Enrile sa kasong pork barrel scam sa pamamagitan ng umanoy paglalaan ng PDAF ng mambabatas sa pekeng NGO ni Napoles para makakuha ng malaking komisyon.