15-anyos na nagkaso ng rape natagpuang patay

MANILA, Philippines – Hindi na nakamit ng isang 15-anyos na dalagita ang hustisya nang siya ay matagpuang patay sa kalsada sa Zone VII, Brgy. Macalong, Asi­ngan, Pangasinan matapos na magsampa ng kasong rape laban sa isa nitong kaanak.

Ang biktima ay nakila­la sa pamamagitan ng tawag sa cellphone nito na narekober sa crime scene  ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya na si Joyce Pataray.

Batay sa ulat, dakong alas-8:07 ng gabi ng  iulat sa pulisya ng isang Daryl Dalid, 18-anyos na napadaan sa lugar ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima.

Nagresponde sa lugar ang mga Scene of the Crime Operatives ng pulis­ya at narekober ang bangkay na may malalim na saksak sa tiyan, bakas na pagsakal ng kamay sa leeg nito, may malalalim na pasa sa iba pang katawan at nadurog din ang ulo nito dahil sa  hambalos ng matigas na bagay.

Sa salaysay ng mga magulang ng biktima na sina Eddie at Julie Pataray, dakong ala-1:00 ng hapon nitong Lunes nang magpaalam ito sa  kanila na magtutungo sa Magic Mall sa Urdaneta City kasama ang pinsan nitong si Glenn Narte, 21.

Nabatid na si Glenn ay pamangkin ng isang tinukoy sa pangalang Mando, nasa hustong gulang na siyang sinampahan ng kasong rape ng biktima.

Ang nasabing kaso ay malapit ng bigyan ng re­solusyon ng Office of Assistant  Provincial Pro­secutor ng lungsod.

Patuloy ang imbestigasyon kung si Mando ang nasa likod ng krimen matapos na sampahan ng rape ng biktima.

Show comments