P100-M shabu nasamsam sa buy-bust; drug pusher nakatakas

Iniimbentaryo ng mga tauhan ng Philippine Drugs Enforcement Agency ang 20 kilong shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon na narekobwer sa inabandonang Toyota Avanza na may plakang WOL 771 sa bahagi ng Barangay Sta. Monica, Novaliches, Quezon City kamakalawa ng gabi.  Bening Batuigas  

MANILA, Philippines - Umaabot sa P100 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force sa isinagawang buy-bust operations malapit sa hangganan ng Quezon City at Caloocan City noong Miyerkules ng gabi.

Gayon pa man, ayon kay P/Senior Supt. Antonio Gardiola Jr., hepe ng PNP-AIDSOTF, nakatakas sa buy-bust o­perations ang target na Chinese drug lord  na si Mico Tiu Tan.

Bandang alas-10 ng gabi nang nakipag-deal sa mga poseur-buyer na ineskortan ng undercover agents  na nagpanggap na bibili ng shabu sa Vista Verde Subdivision, Brgy. Monica sa hangganan ng Caloocan City at Novaliches, Quezon City.

Nabatid na nagkasundo ang mga operatiba ng pulisya at si Tan na magkita sa Fairview pero napansin ng suspek na may sumusunod sa kaniyang sasakyan.

Dahil dito, naghinala si Tan na entrapment ang kanyang napasok na transaksyon kaya napilitan itong tumakas at inabandona sa nabanggit na lugar ang sasakyang Toyota Avanza na may plakang WOL 771.

Ayon naman kay PNP –AIDSOTF Spokesman P/Chief Inspector Roque Merdeguia, nang inspeksyunin ang nasabing sasakyan ay natagpuan ang  20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon.

“Our operatives immediately chased him after securing his vehicle but he suddenly disappeared. We suspect that somebody fetched him in the area,” pahayag pa ni Merdeguia.

Pinaniniwalaang  sindikato ng droga na kinabibilangan ni Tan ay matagal ng nag-o-operate pero gumamit lamang ng ibang pangalan.

Samantala, si Tan na sinasabing konektado rin sa iba pang sindikato ng droga ay nalansag na ng PNP-AIDSOTF at ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagpapatuloy naman ang anti-drug campaign kaugnay ng napaulat na 90 % ng mga barangay sa Metro Manila ay apektado ng iba’t-ibang uri ng bawal na gamot.

 

Show comments