MANILA, Philippines - Pinagsasaksak ng hindi pa kilalang suspek ang mag-utol na paslit na pumasok sa kanilang tindahan sa Brgy. Sablig, Anda, Pangasinan.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Arlyn Carace, 4, nang laslasin ang leeg nito at pagsasaksakin sa katawan.
Habang nasa malubhang kalagayan ang ate nito na si Marvilyn Carace dahil din sa mga saksak sa katawan.
Batay sa ulat, bandang alas-11:30 ng gabi ay mahimbing na natutulog ang magkapatid na iniwan ng kanilang magulang para mangisda.
Narinig ng kapitbahay ng pamilya na si Jhonson Cariño, 31 ang palahaw ng magkakapatid na takot na takot at nagmamakaawa.
Agad naman nitong tinawag ang kaniyang bayaw para sumilip sa bahay ng pamilya Carace at dito na nito nakita ang mga biktima na duguang nakahiga sa kama.
Pinaniniwalaan namang mabilis na tumakas ang salarin nang maramdaman ang pagpasok ng magbayaw sa bahay ng pamilya Carace.
Sa teorya ng mga pulis, posible umanong kaaway ng ama ng biktima ang salarin at niresbakan lang ang magkapatid.