MANILA, Philippines - Isinagawa kahapon ang synchronized earthquake drill sa Metro Manila, subalit hindi nakita na sumali si Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Deputy presidential spokeswoman Abigail Valte na sa halip sumali ang Pangulong Aquino sa earhtquake drill sa Malacañang ay minarapat na lamang nito na umeskapo para i-monitor ang iba pang earthquake drill sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sinigurado naman ni Valte na ang Presidential Security Group ay mayroong “solid evacuation protocols” sa lugar para sa kaligtasan ng Pangulo kung sakali na mangyari ang malakas na lindol sa bansa.
Sinabi naman ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., nanatili lamang si Pangulong Aquino sa Bahay-Pangarap sa PSG Park at tumanggap lamang ng mga report kaugnay sa isinagawang earthquake drill.
Nabatid na eksaktong alas-10:30 ng umaga sumali ang mga opisyal ng Palasyo at mga kawani sa disaster drill sa New Executive Building.
Bukod sa Malacañang ay nagsagawa rin ng earthquake drill ang iba’t ibang eskwelahan, establisyimento sa buong Metro Manila at ilang lugar sa lalawigan.