OLONGAPO CITY, Philippines - Tumakas na patungong Estados Unidos ang isa sa dalawang suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 23-anyos na babae sa lungsod na ito noong Sabado sa Subic, Zambales.
Ang suspek ay kinilalang si Jonathan Dwayne Ciocon Viane, 29, mula sa Anchirage, Alaska ay nakaalis ng bansa noong Linggo ng umaga batay sa record ng Bureau of Immigration.
Ayon sa record ng BI na si Viane ay sumakay ng Eva Air flight BR272 patungo Alaska via Colorado USA noong Linggo ng umaga matapos ang humigit kumulang na 24 oras matapos gahasain at patayin ang biktima na si Marieces de Dios Mojica, residente ng Subic, Zambales.
Ayon kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino, na ang biktima ay ginahasa at binaril ng tatlong beses sa ulo na ang bangkay ay natagpuan sa dike sa kahabaan ng Sto. Tomas River, San Felipe, Zambales.
Ang mga suspek ay tinukoy ng isang “Claire”, 17, umano ay nobya ni Viane, na nagsumbong sa pulis makaraang aminin sa kanya ni Viane na pinatay nito si Mojica at sinabing “malinis ang pagkakatrabaho” sa biktima.
Ayon kay Claire, nakipagkita umano si Viane kay Mojica upang komprontahin ito kaugnay ng mga sabi-sabi na nagsusumbong ito sa asawa ni Viane na nasa Amerika. Mula noon ay hindi na nakauwi si Mojica hanggang matagpuan ang bangkay nito sa San Felipe noong Hulyo 25.
Bukod kay Vianne, pinaghahanap din ang kasama nito sa krimen na si Niño Dela Cruz at may pabuya na P50,000 sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan nito.