Sambayanan, dapat magkaisa vs China – Alunan
MANILA, Philippines - Libu-libong mamamayan mula sa iba’t ibang sektor sa pangunguna ng West Philippine Sea Coalition (WPSC) ang nagsidalo sa protesta laban sa China na ginanap noong Biyernes sa Roxas Boulevard, Maynila.
Ayon kay dating Interior and Local Government secretary Rafael Alunan III, dapat na tuloy-tuloy ang mga ganitong uri ng protesta upang maramdaman ng China na hindi magsasawalang kibo ang sambayanang Pilipino sa pagtatanggol sa Inang Laya.
“Habang ang kaso ng panloloob ng China sa Pilipinas ay dinidinig sa Arbitral Tribunal sa The Hague, hindi tayo tinigilan ng mga Chinese. Patuloy lang ang paggiba nila sa ating coral reefs. Patuloy ang pag-agaw sa ating mga isla. Patuloy ang ilegal na konstruksiyon sa Kalayaan Island Group na teritoryo natin,” ani Alunan na co-convenor ng WPSC.
Idinagdag niya na dapat nang magkaisa ang sambayanang Pilipino na kumilos upang iparamdam sa China na hindi tayo basta-basta papayag na bastusin ang ating soberanya.
Dapat na anya na iboykot ang mga produkto ng China na kung saan ay umabot na sa Pilipinas ang mga pekeng gatas at bigas, at mga nakalalason na mga laruan at gamot.
- Latest