MANILA, Philippines - Sinimulan na rin ang online protest ng grupong Parent’s Movement Againts K-12 (PMAK) ang mariing pagtutol sa pagpapatupad sa K-12 program ng pamahalaan.
Ayon kay Jovita Montes, tagapagsalita ng PMAK, layunin nilang ipamukha sa Pangulong Noynoy Aquino at Department of Education (DepEd) Sec. Armin Luistro ang paghihirap na nararanasan ng mga magulang sa gastusin sa pagpapaaral sa kanilang mga anak ay lalo pang madaragdagan ang pasakit na mararanasan sa K-12 program.
“Sa halip na unahin ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga makabuluhang serbisyo na may kaugnayan sa basic na pangangailangan ng mga mag-aaral ay dagdag na gastusin ang inaatupag ng DepEd sa pamamagitan na dagdag na dalawang taon sa pag-aaral,” dagdag pa ni Montes
Dapat resolbahin ng gobyerno ang overcrowded na classroom, kawalan ng magagamit na libro at upuan at mababang sahod ng mga guro.
“Our children have long suffered from these problems and the DepEd now wants another two years in such schools,” sabi ni Montes.
Una dito ay lumusob sa tanggapan ng DepEd central office sa Meralco Avenue, Pasig City ang grupo ng PMAK noong Huwebes kung saan isinumite ang may 15,000 lagda ng mga magulang na nagpapahayag ng mariing pagtutol sa ‘full implementation’ ng K-12 sa 2016.
Sinabi pa ni Montes na hindi titigil ang kanilang grupo sa laban sa halip ay lalo pa nilang palalawakin ang kilos-protesta at maging ang iba’t-ibang social media ay gagamitin na sa kanilang krusada.