Para sa presidente at bise presidente... NP-NPC wala pang bet
MANILA, Philippines - Ikinagulat ni Senator Cynthia Villar ang lumabas na balita na may nabuo nang alyansa ang kanyang partido na Nacionalista Party (NP) at Nationalist People’s Coalition (NPC) para suportahan ang umano’y pagtakbo nina Senators Grace Poe at Chiz Escudero bilang pangulo at pangalawang pangulo sa 2016.
Nabuo ang nasabing balita sa isinagawang press conference ni Rep. Giorgidi Aggabao, pangulo ng NPC na sinabing buo na ang alyansa ng kanyang partido at ng NP.
“I do not know what is the basis of Nationalist People’s Coalition President Giorgidi Aggabao for claiming that NPC and the Nationalista Party are forming an alliance to support the candidacy of Sen. Grace Poe as president and Sen. Francis Escudero as vice president,” bungad ni Villar sa isang statement na inilabas ng kanyang opisina.
Pati anya ang mister na si NP President at dating Senador Manny Villar ay nagulat sa naging balita ni Aggabao na tila pinakikialaman nito ang NP dahil kanila pang dinedetermina ang plano ng mga miyembro ng NP bago sila magbigay ng suporta sa hindi miyembro ng partido tulad nina Poe at Escudero.
Kabilang sa mga miyembro ng NP na inaasahang tatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 ay sina Senators Alan Peter Cayetano, Ferdinand “Bongbong” Marcos, at Antonio Trillanes IV.
Ikinagulat din umano ng mga miyembro ng NPC ang naging deklarasyon ni Aggabao at wala umanong basbas ng partido ang mga naging pahayag nito sa press conference.
Si Escudero ay dating miyembro ng NPC, subalit kumalas ito noong 2009 dahil hindi pumayag ang partido na suportahan ang ambisyon nitong kumandidatong pangulo.
- Latest