6 ‘S’ na sakit ngayong tag-init
MANILA, Philippines - Dahil summer season na ay nagpayo ang Department of Health (DOH) sa publiko na ingatan ang kanilang kalusugan lalo’t sabay-sabay ang mga aktibidad tulad ng Holy Week, outing at fiesta.
Sinabi ni Health Secretary Janette Loreto-Garin na ngayong summer ay uso ang anim na sakit na nagsisimula sa letrang ‘S’ tulad ng Sore eyes, Sunburn, Sipon at ubo, Suka at tae, Sakit sa balat at Sakmal ng aso.
Anya, ang sore eyes o conjunctivitis, ay kailangan agad na maagapan dahil maaaring mauwi ito sa pagkabulag bunsod ng irritation at dapat ugaliin ang paghuhugas ng kamay.
Ang sunburn ay maiwasan kung gagawin ang mga outdoor activities sa umaga at iwasan ang direct exposure sa araw mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon at makatutulong ang paggamit ng sunscreen protection.
Huwag kalimutang uminom ng walo hanggang 12 baso ng tubig araw-araw upang maiwasan ang heat stroke.
Habang ang sipon at ubo naman ay madaling makuha kahit pa summer months dahil na rin sa pabagu-bagong panahon.
Dapat ding maging maingat ang publiko upang maiwasan ang suka’t tae dahil sa pagkain ng mga panis na pagkain na madaling mabulok sa panahon ng tag-init kaya’t inaabisuhan na ugaliin ang oral rehydration salt solution upang maiwasan ang pagtatae.
Ang sakit sa balat ay karaniwan din tuwing summer season kaya’t mas makabubuti kung uugaliin na maligo ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw.
Ingatan din ang sarili sa sakmal ng aso dahil na rin sa rabies at tiyaking may bakuna ang mga aso.
- Latest