NPA ambush: 3 sundalo napatay
MANILA, Philippines – Nasawi ang tatlong sundalo habang lima ang nasugatan nang sumabog ang itinanim na landmine na sinundan nang pagpapaulan ng bala ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) noong Sabado ng gabi sa highway ng bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur.
Batay sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi sa highway ng Brgy. Los Arcos, Prosperidad ay kasalukuyang bumabagtas ang convoy ng apat na military truck ng 2nd Scout Ranger Battalion sa ilalim ng Army’s 26th Infantry Battalion (IB) nang sumabog ang landmine at kasunod ang pagpapaulan ng bala.
Sa lakas ng pagsabog ay nahulog pa sa bangin ang isa sa mga military truck.
Isa sa mga sundalo ay dead-on-the-spot habang dalawa naman ang naipit sa truck na siyang kumitil sa buhay ng mga ito.
Nasa 25 mga armadong rebelde ang nagpaulan pa ng putok sa nalaglag na truck sa bangin na nagresulta sa 30 minutong palitan ng putok sa pagitan ng magkalabang puwersa.
Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay nagawang makapagmaniobra ng mga sundalo at nakipagpalitan ng putok sa umaatakeng mga rebelde.
- Latest