MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang 59-anyos na trader na umano ay inatake sa puso habang iginagapos ng mga holdaper sa loob ng kanyang kotse sa Intramuros, Maynila kahapon ng madaling araw.
Matigas na ang katawan ng biktimang si Angel Dy, may-ari ng Khaga Resto Bar nang ito ay matagpuan na nakagapos ang mga kamay at paa ng duct tape na ipinuwesto sa likod na bahagi ng kanyang sasakyang Montero (TQV 527).
Batay sa ulat, dakong alas-3:40 ng madaling araw isang Valentino Abucay, 22, waiter at empleyado ng biktima nang puntahan nito ang sasakyan ng amo na nakaparada sa P. Burgos St. Ermita, Maynila dahil sa tumawag ang misis ng biktima upang ipabatid na hindi pa ito umuuwi ng kanilang bahay sa Parañaque City.
Nabatid na ang biktima ay palaging dumadaan sa kaniyang bar sa Intramuros bago umuwi.
Walang indikasyon na pinatay ang biktima dahil walang sugat o anumang palatandaang pinahirapan ito na maaaring inatake sa puso sa takot.-Ludy Bermudo-