MANILA, Philippines - Umarangkada na kahapon ang Sympathy Walk sa kabila ng pagbawi ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa permit para sa pagtitipon para sa panawagang hustisya sa tinaguriang SAF 44 mula Cavite hanggang Quezon City.
Ang Sympathy Walk ay isang pagtitipon na naglalayong hingin sa pamahalaan ang hustisya para sa mga nasawing SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Nagsimula ng alas-12:00 ng madaling araw ang pagtitipon ng isang grupo sa Dasmarin?as, Cavite sa pangunguna ni running Priest Rev. Father Robert Reyes, bago tuluyang tumulak patungo sa Quezon City.
Kasama ang ilang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ilang sibilyan na aabot sa 400 ang sumama bitbit ang mga larawan ng mga nasawing SAF troopers.
Magugunita na kinansela ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang hiniling na permiso ng grupo para magtipon sa Quezon Memorial Circle, dahil sa pangambang samahan ang kanilang programa ng mga makakaliwang grupo at mag-usbong ito sa malaking rally.
Pagdating sa PNP headquarters sa Camp Crame ay sinalubong sila ng grupong Gabriela at mga miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Alumni.
Pero hindi rin pinahintulutan ang grupo na magsagawa ng programa sa stage ng PNP kung kaya nagpasyang tumulak ang mga ito sa alternatibong venue.
Habang naglalakad ay tumutugtog ang isang awiting may temang bayaning pulis, hanggang sa makarating sa Immaculate Heart of Mary Parish sa Kalayaan Avenue at nagsagawa sila ng misa.