Itinapon sa ilog… 3 bangkay sa garbage bag

Crime scene sign

MANILA, Philippines - Nakasilid sa isang garbage bag ang tatlong hindi pa kilalang kalalakihan habang palutang-lutang sa Ilog Pasig, sa likod ng Philippine Postal Corporation, sa Lawton Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang mga nasabing lalaki ay nakabaluktot na tila sanggol at nababalutan ng packaging tape ang mga mukha, may busal ang mga bibig at nakapulupot ang alambre na ipinansakal sa mga leeg, nakagapos ang mga kamay at mga paa ng mga biktima.

Inilarawan ang isa na nakasuot ng t-shirt na puti at pulang shorts; ang ikalawa ay puti rin ang t-shirt at maong  na shorts  at ang ikatlo naman ay dark blue na t-shirt at gray ang shorts.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala 1:00 ng mada­ling-araw nang makita ng isang vendor na si Noel Baldoz ang mga kalalakihan na bumaba sa isang puting van at dala ang garbage bag saka itinapon ito sa ilog.

Umaga na umano ng makitang mga bangkay pala ang laman ng garbage bag na itinapon ng mga di kilalang suspek. Hindi naman naplakahan ni Baldoz ang nasabing van na pinagsakyan ng mga bangkay.

Show comments