Bahay ni Marwan sinunog
MANILA, Philippines - Ilang oras matapos bumisita ang mga miyembro ng PNP Board of Inquiry (BOI) sa Brgy. Pidsandawan, Mamasapano,Maguindanao para magsagawa ng occular inspection sa madugong pagkamatay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos ay sinunog ng mga armadong kalalakihan ang bahay ng Malaysian bomb terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan, na napaslang sa Oplan Exodus noong Enero 25.
Sa ulat ni Sr. Inspector Reggie Abellera, hepe ng Mamasapano Police, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang panununog ng isang grupo ng mga armadong kalalakihan nang buhusan ng gaas saka sinilaban ang bahay ni Marwan na gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Nagtungo na sa lugar ang isang team ng mga pulis upang iberipika ang nasabing panununog bagaman aminadong hindi basta mapapasok ang lugar.
Ayon naman kay Mohaqher Iqbal, Chief ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) negotiating panel, hindi nila batid kung sinong grupo ang nasa likod ng panununog gayung ang lugar ay pinamumugaran ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Itinanggi naman ni Abu Misry, spokesman ng BIFF na sila ang nasa likod ng panununog. - Joy Cantos-
- Latest