Miyembro ng sindikato dedo sa shootout

MANILA, Philippines - Patay  ang isang umano’y  miyembro ng sindikato matapos kumasa sa pulisya sa naganap na shootout sa Brgy. San Nicolas, Bay, Laguna kamakalawa.

Nakilala  ang napatay na suspek na si Ricardo “Jhay “ de Leon alyas Wakut, ng Brgy. Maitim, Bay.

Sa report ng pulisya, dakong alas-12:45  ng mada­ling araw  ng makasagupa ng mga operatiba ng pulisya ang apat na suspek na lulan ng dalawang motorsiklo na walang mga plaka sa bahagi ng  highway ng Brgy. San Nicolas, Bay ng lalawigang ito.

Akmang sisitahin ng mga pulis ang nasabing mga suspek nang pagbabarilin ang nasabing mga pulis na  nauwi sa shootout.

Nasapul ng tama ng bala si Wakut, itinuturing na No. 7  sa drug list ng pulisya. Ang grupo ay sangkot sa robbery/holdup, carnapping at drug pushing. Nagawa naman makatakas ng tatlo pang suspek.

Samantalang narekober din ng mga operatiba ang isang armas, ilang plastic sachet ng shabu, 14 cartridge ng armas, isang unit ng kulay itim na Honda motorcycle, isang backpack na naglalaman ng mga personal na kagamitan at iba pa.

Show comments