Holdaper-rapist sa QC utas sa pang-aagaw ng baril

MANILA, Philippines - Nabaril at napatay ng isang babaeng pulis ang kilabot na holdaper-rapist at pumatay ng isang Koreana nang agawin umano nito ang baril ng una pagkatapos na ito ay ma-inquest sa hall of justice ng Quezon City Hall kamakalawa ng gabi.

Ang suspek na idineklarang dead-on-arrival sa ospital ay nakila­lang si Mark Soque, 29 dahil sa tama ng bala sa baba na tumagos sa ulo.

Batay sa ulat, dakong alas-11:25 ng gabi ay katatapos lang ma-inquest ang suspek sa 4th floor ng hall of justice sa mga kasong robbery, robbery with homicide at rape ay binitbit na ito ni PO2 Juvy Jumuad na nagsilbing escort ng suspek.

Habang pababa ay big­la na lamang umanong tinangkang agawan ng baril ng suspek si PO2 Jumuad kaya’t nagpambuno ang dalawa hanggang sa pumutok ang baril at tinamaan ang suspek sa nasabing parte ng ulo.

Isinugod ang suspek sa East Avenue Medical Center, subalit idineklara itong dead on arrival.

Magugunita na si Soque ang siyang pangunahing suspek sa serye ng pag-atake sa iba’t ibang business establishments sa lungsod na umabot sa 20 ang tinarget nito at nakapatay pa ng isang Koreana.

Bukod dito ay kanya ring pinaghuhubad at iginapos nito ang mga biktima saka ikinukulong sa banyo at ang babaeng natitipuhan ay kanyang ginagahasa.

Ang panghuling biktima ng suspek ay ang Korean national na si Mi Kyu Park na binaril nito at napatay matapos manlaban habang hinoholdap ang isang coffee shop.

Show comments