Tuloy ang laban, tuloy ang SAF – Roxas
MANILA, Philippines - Sa kabila ng nangyari sa Mamasapano, Maguindanao clash na naging sanhi ng kamatayan ng 44 miyembro ng PNP-SAF ay malaki ang tiwala ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na maibabalik ang PNP-SAF sa dati nitong lakas.
“Bilang isang pamilya, andito tayo para unti-unti nating tahakin itong mga darating na araw, linggo at buwan hanggang sa masagot natin ang bawat katanungan, hanggang maibalik natin ang kumpiyansa sa PNP-SAF,” ani Roxas.
Isa-isang binisita ni Roxas ang pamilya ng mga yumaong kasapi ng PNP-SAF upang mapanatag ang kanilang loob at para ihatid ang tulong mula sa pamahalaan.
“Hindi na natin maibabalik ang kanilang mga mister, anak, at kapatid. Ang magagawa na lang natin ay siguruhing nasa ayos ang kanilang mga pamilya kaya sisiguraduhin nating mapapasakanila ang tulong ng pamahalaan,” sabi ni Roxas.
Nauna nang dinalaw ni Roxas sa kanilang mga tahanan ang pamilya ng mga nasawing SAF na mula sa Hilagang Luzon, partikular ang pamilya nina PO2 Noble Sungay Kiangan at PO1 Angel Chocowen Kodiama sa Benguet, PO2 Walner Faustino Danao at PO2 Peterson Indongsan Carap sa Baguio City, PO2 Omar Agacer Nacionales sa La Union, at PO2 Ephraim Garcia Mejia sa Pangasinan.
Kinausap na rin ni Roxas ang mga kasapi ng SAF upang linawin na magkakaroon ng kasagutan ang bawat katanungan tungkol sa nangyari sa Mamasapano at makakaasa ang buong PNP-SAF, mga pamilya ng mga namatayan, at ang buong bansa na hindi maisasantabi ang pagkamatay ng mga nasabing pulis para sa bayan.
- Latest