MANILA, Philippines – Isang motorista ang nasawi at sugatan ang isang pulis matapos na maaksidente sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Pasay City, kamakalawa ng tanghali.
Ang biktimang si Antonio Buenaventura, 64, taga San Pedro, Laguna ay namatay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan, habang sugatan at ginagamot naman si P01 Dexter De Sesto, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) Battalion.
Sa report ni SP02 Pepito Tabios, ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) na nakabase sa Bicutan, Parañaque City, ang insidente ay naganap dakong alas-11:46 ng tanghali sa South bound lane ng kahabaan ng SLEX, Villamor, Pasay City.
Isang Daewoo Racer (TMG-602) ang minamaneho ni Buenaventura at binagbagtas ang naturang lugar kung saan nais nitong daanan ang leftmost lane paakyat ng Sales Bridge. Ngunit bunsod ng mabilis ang pagtakbo ay tumama sa concrete barrier ang bandang uluhan ng sasakyan nito.
Nagresulta ito para magpaikot-ikot ito hanggang sa bumaligtad ang nasabing sasakyan kung saan nadamay pa ang dumadaang motorsiklo na minamaneho naman ni P01 De Sesto.
Agad na dinala ng rescue team ng SLEX ang mga biktima sa nabanggit na ospital.
Subalit si Buenaventura ay binawian ng buhay habang nilalapatan ito ng lunas, sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente.