MANILA, Philippines – Patay ang 20 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos na lusubin ng militar ang isa sa pinakamalaking kuta ng mga ito sa General Salipada Pendatun, Maguindanao nitong Lunes.
Ayon kay Captain Jo-ann Petinglay, Spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division (ID) bandang alas-6:50 ng umaga nang magpaulan ng howitzer ang Army’s 601st Infantry Brigade (IB) sa pinagkukutaan ng 200 BIFF rebels na pinamumunuan ni Sukarno Sapal alyas Commander Jok sa Sitio Pedtad, General Salipada Pendatun ng nasabing lalawigan na tumagal ng mahigit dalawang oras.
Sinabi ni Petinglay na umaabot sa 50 BIFF ang nakasagupa ng mga sundalo matapos na magsitakas lulan ng bangka patungo sa Marsland area ng lalawigan.
Aniya, inilunsad ang operasyon matapos na mabatid na nagkukuta ang mga rebelde na sangkot sa pangha-harass ng dalawang detachment ng Army’s 33rd IB noong nakalipas na Enero 3 na ikinasawi ng isang sundalo habang dalawa pa ang nasugatan.
Sinabi ni Petinglay, ang operasyon ay nagresulta rin sa matagumpay na pagkakakubkob ng malaking kampo ng BIFF na may 50 kubo at barricades, running trenches, bunkers, konkretong mga poste, mga Improvised Explosive Device (IED) sketches at mga sangkap na gamit ng BIFF sa paggawa ng bomba.