MANILA, Philippines - Dinakip ng mga pulis ang isang Army dahil sa pagpapaputok nito ng baril sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon na kung saan ay tinamaan ng bala ang isang 5-anyos na batang lalaki na naglalaro sa harap ng kanyang bahay sa lalawigan ng Rizal.
Isinuko ng suspek na si S/Sgt. Gorgonio Pogado, nakadestino sa Army training command sa Dawsa, Cotabato ang kalibre 45 baril, dalawang magazine na walang bala at walong basyo ng bala.
Nakatakdang sampahan ng kasong indiscriminate firing resulting to physical injury na ngayon ay nakakulong sa Teresa Police Station detencion cell at nahaharap din sa summary dismissal dahil sa paglabag sa kautusan ng AFP na huwag magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa ulat, habang hinihintay ng suspek ang pagsalubong sa Bagong Taon sa kanyang bahay sa Brgy.Dalig ay kinuha nito ang kalibre 45 baril at nagpaputok ng baril sa ere at sa lupa na kung saan tinamaan ang bata ng ligaw na bala sa likurang ibabang bahagi at kanang hita.
Nasa stable ng kalagayan sa ospital ang bata. -Non Alquitran-