Tserman inutas ng kagawad... binati ng ‘merry xmas’ bago binaril
MANILA, Philippines – Pagluluksa ang sumalubong na Pasko sa pamilya ng isang barangay chairman matapos na batiin muna bago pagbabarilin ng kanyang kagawad kamakalawa sa Cabilawan, Barotac, Nuevo, Iloilo.
Namatay noon din ang biktimang si Rufino Bilan, Chairman ng Brgy. Cabilawan dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang tumakas naman ang suspek na tinukoy namang si Brgy. Kagawad Rolyn Trespesa.
Bago ang krimen ay nag-text pa ang suspek sa biktima na iniimbitahan ito sa kaniyang tahanan.
Sa kabila ng abala sa paghahanda para sa kapaskuhan sa kanilang barangay at pamilya ay pinaunlakan naman ng biktima ang paanyaya ng suspek na agad nitong pinuntahan.
Pagkapasok ng biktima sa tarangkahan ng bahay ng suspek ay binati pa ito ng “Merry Christmas” at ilang saglit ay binunot ang baril at pinagbabaril ang una.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pagpatay.
- Latest