MANILA, Philippines – Apat na miyembro ng isang pamilya kabilang ang isang pulis ang nasawi matapos na sila ay makuryente kamakalawa sa Butuan City, Agusan del Norte.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Azucena Tan, anak nitong sina PO1 Brian Tan, Aileen Tan-Tiu at manugang na si Jundree Tiu.
Batay sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon ng maganap ang malagim na insidente sa bahay ng mga biktma sa East Wood Subdivision, Brgy. Baan KM 3.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagkakabit si Azucena ng sampayan ng damit mula sa kanilang tahanan at ikinabit ito sa poste sa tabing kalsada na lingid sa kaalaman nito ay konektado sa live wire.
Nagkikisay si Azucena na agad sinaklolohan ng dalawang anak nito at manugang, subalit maging sila din ay nakuryente na agad nilang ikinasawi.
“May illegal connection yung developer ng subdivision, hindi alam nitong pamilya na bagong lipat sa lugar,” anang opisyal.
Nakatakdang sampahan ng pulisya ng kasong multiple homicide ang developer.