P1.5-M natangay sa dating konsehal
MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P1.5 milyon ang natangay sa isang dating konsehal ng bayan ng Bulacan ng “Budol-budol gang” na gagamitin nito sana para makikipagpustahan sa larong baccarat sa Manila Hotel, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa biktimang si Samuel Espanola, 54, dating konsehal ng San Jose Del Monte, Bulacan, isang nakipagkaibigang Christine Cruz, tinatayang nasa 40-45 anyos ang nakipagtransaksyon sa kaniya na makikipaglaro ng baccarat at isang kasamahang balasador diumano sa Hyatt Hotel na hindi nakuha ang pangalan at isang driver.
Sinabi ni Espanola na may dala-dala siyang isang kahon na naglalaman ng P1.5 M para sa kanilang pagsusugal sa Hyatt at bago sila magtungo sa Hyatt Hotel ay pumunta muna sila sa Manila Hotel at doon ipinalagak niya sa grupo ni Cruz ang salapi.
Napagplanuhan nila na uubusin lamang ang salapi sa mayamang makakalaban nila sa baccarat sa pamamagitan ng pagsasabwatan dahil kanila ang balasador.
Habang nakalagak ang pera sa Manila Hotel nagtungo ang biktima sa Hyatt upang iberipika kung konektado at empleyado ang mga suspek at doon niya natuklasan na hindi totoong kawani ang mga ito ng hotel.
Dali-dali bumalik sa Manila Hotel ang biktima at dahil wala ang susi ay pinadistrungka ang safety box na kung saan ang natira na lamang ay P20,000.
- Latest