MANILA, Philippines - Isang sports utility vehicle (SUV) na Montero na minamaneho ng umano’y apo ni dating Caloocan Rep. Luis Asistio at isang Innova ang nagsalpukan kahapon ng madaling araw sa Pasig City na ikinasawi ng tatlong nurse at pagkasugat ng apat katao.
Kinilala ang mga nasawing sina Lyn Pascua, 29, Rose Ann Ozucena, 23, at Janine Ray Manzanida, 25 na pawang nurse na nagtatrabaho sa
Salve Regina Hospital. Habang ang mga nasugatan ay kinilalang sina Jacklyn Mae Terrado, 25 at Bubbles Lapu-os, 23, kapwa nurse; Ryan Lester Yadao, 29 at Luis Asistio III.
Sa imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa C-5 Fly over Barangay, Ugong sa lungsod ay sakay ang limang nurse ng Toyota
Innova (AAM-2365) habang si Asistio ay mag-isang sakay ng Mitsubishi Montero (KEX-246) nang maganap ang aksidente. Nabatid na binabaybay ni Asistio ang southbound nang bumangga ito sa plantbox sa center island ng flyover na lumipad sa kabilang linya at nasalpok ang kasalubong na Innova ng mga biktima.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay natapyas ang bubong ng Innova na minamaneho ni Yadao saka sumampa sa center island habang bumaliktad ang Montero ni Asistio.
Isinugod ang mga biktima sa Rizal Medical Center ngunit idineklarang dead-on- arrival ang tatlong nurse, na pawang nagtamo ng mga sugat sa kanilang ulo.
Ayon sa ilang tauhan ng Pasig Rescue Team posibleng nakainom ng alak si Asistio dahil amoy alak ang loob ng sasakyan at may nakita pang dalawang bote ng serbesa sa loob nito.
Hinihintay ng pulisya ang medical examination ni Asistio upang mabatid kung nakainom nga ito.
Bantay-sarado sa pulisya si Asistio sa ospital na nahaharap sa kasong multiple homicide
at multiple serious physical injuries at damage to property.