MANILA, Philippines - Dahil sa bagong programang ipinapatupad ng pamahalaan ay bumaba ng 12 porsiyento ang bilang ng mga insidente ng nakawan sa Metro Manila.
Sa pinakahuling tala ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang 12 porsiyentong ibinaba ng bilang ng nakawan sa MM ay naitala nitong nakaraang linggo lamang, mula sa 548 na kaso noong Oktubre 20-26, pababa sa 484 noong Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2.
Sa kabila ng pangkalahatang pagbaba ng robbery at theft sa NCR, bahagyang tumaas naman ang bilang ng nasabing krimen sa lungsod ng Pasig, mula sa 12 kaso noong nakaraang linggo, umabot ito sa 22, ayon sa pinakahuling natala ng NCRPO.
Inirekomenda ni DILG Secretary Mar Roxas kay Gen. Carmelo Valmora, director General ng NCRPO, na repasuhin ang mga operasyon ng Pasig City Police Station.
Nais ni Roxas na ibaba “rehiyon kada rehiyon” ang paggamit ng incident report form (IRF) upang higit na maging epektibo ang kampanya kontra krimen hindi lamang sa NCR kundi maging sa ibang bahagi ng bansa.