Pemberton kulong na sa Camp Aguinaldo

MANILA, Philippines – Inilipat na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa Camp Aguinaldo kahapon ng umaga mula sa USS Peleliu.

Si Pemberton ang itinuturong suspek sa pagpaslang sa Pilipinong transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.

Batay sa ulat, dakong alas-8:45 ng umaga nang duma­ting sa kampo ang akusado kasama ang ilang security lulan ng chopper at idiniretso sa Joint US Military Assistance Group (JUSMAG).

Hindi iniharap ang US Marine sa isang presscon, pero kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gregorio Pio Catapang Jr. na nasa kampo na ito.

Pansamantala anyang idedetine si Pemberton sa Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) facility sa Camp Aguinaldo habang dinidinig ang preliminary investigation sa kaso nitong murder.

Ayon  kay Catapang, isang 20 footer van na may aircon at military cot bed ang magsisilbing kulungan ng US Marine.

Magtutulungan naman ang Pilipinas at Amerika sa pagbabantay kay Pemberton. Dalawang US Marine-isa sa loob ng selda at isa sa labas-at apat na Pilipinong sundalo ang magbabantay sa suspek.
Sa inilabas na pahayag ng US Embassy, binigyang diin nito na bagama’t nasa facility ng Pilipinas, nananatili sa kustodiya ng Amerika si Pemberton.

Samantala, nabuo ang tensyon sa pagitan ng mga militar at pamilya ng nasawing si Laude makaraang sumugod ang mga ito sa Camp Aguinaldo nang magpumilit ang mga huli na makapasok sa loob ng JUSMAG.

Nais ng pamilya Laude na makita kung totoong naroon si  Pemberton at tanungin kung bakit niya nagawang patayin si Jennifer.

Show comments