Binoga ng sumpak sa ulo... kelot inutas sa piso net

MANILA, Philippines – Isang lalaking tambay  ang sinumpak sa ulo habang nagti-text sa loob ng isang piso net computer shop kahapon ng madaling-araw sa Baseco Compound, Port Area, Manila.

Ang biktima ay kinilala sa alyas Jojo, ang edad ay nasa pagitan ng 35 hanggang 40, nasa 5’5” hanggang 5’8” ang taas, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi.

Ayon sa residente sa lugar na wala umanong nakakakilala sa tunay na pangalan ng biktima at kung saan ito nakatira dahil malimit lamang dumayo at tumambay sa piso net computer shop.

Sa ulat, dakong alas-3:40 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa loob ng piso net na matatagpuan sa no. 909 Row 2, Commercial Habitat, Baseco Compound, Port Area.

Kitang-kita sa CCTV footage na habang nagte-text ang biktima sa loob ng piso net ay sumulpot ang suspek na nakasuot ng gray na jacket, green na shortpants, puti ang bonnet, nakahawak ng sumpak na tinatayang nasa edad na 30 hanggang 35.

Tinangkang sunggaban ng suspek ang cellphone ng biktima, pero nanlaban ang huli kaya binaril sa ulo.

Papaalis na ang suspek nang balikan ang nalaglag na cellphone ng biktima at tinangay sa pagtakas.

Hindi pa rin tukoy ang gunman bagamat may teorya ang pulisya na bukod sa pagnanakaw ng cellphone ang motibo ng pagpatay ay pinaghinalaan din na  police informer ang biktima dahil sa talamak ang iligal na droga sa lugar.

Show comments